Ilang OFWs, nagpalipas ng magdamag sa PITX para makauwi na sa kanilang probinsya

Nagpalipas ng magdamag ang halos 200 Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) para hintayin ang mga bus na maghahatid pauwi sa kani-kanilang probinsya.

Ang mga nasabing OFWs ay pawang nag-negatibo sa COVID-19 test at nakatapos na rin sa kanilang quarantine period.

Ang mga ito ay sinundo sa kanilang quarantine facilities ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) at ng Department of Transportation (DOTr) saka maghihintay sa PITX upang makasakay ng bus.


Nabatid na higit 1,000 OFWs na ang napauwi ng coast guard mula sa PITX kung saan karamihan sa kanila ay babiyahe patungong Bicol Region.

Inaasahan naman na mas dadami ang OFWs na susunduin ngayong araw ng coast guard at ayon sa kanila, nasa 25 pasahero lamang kada bus ang dapat na isakay upang mapairal pa rin ang physical distancing.

Matatandaan na halos dalawang buwan din nanatili sa quarantine facility ang mga OFW dahil sa tagal ng paglabas ng resulta ng kani-kanilang COVID-19 test kung saan nagpasalamat sila sa naging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na pauwiin na sila sa kani-kanilang lalawigan para makapiling ang pamilya.

Dahil sa pagpapauwi sa mga OFW, inaasahang luluwag na ang quarantine facilities kung saan mananatili naman dito ang paparating na OFWs mula sa ibang bansa para sumailalim din sa 14-day quarantine.

Facebook Comments