Ilang Filipino household workers sa United Arab Emirates (UAE) na rin ang nabakunahan kontra COVID-19.
Sa exclusive interview ng DZXL RMN News kay Luning Tumala, sinabi nito na mahigit isang buwan na sila nang maturukan ng anti-COVID vaccine.
Aniya, kasama niyang nabakunahan ang ilang Pinay household workers na kasama niya sa Palasyo ng kaniyang employer at ilan ding dayuhang empleyado.
Sinabi ni Tumala na binakunahan sila sa mismong ospital na pag-aari ng kaniyang amo.
Sa unang tatlong araw aniya ay nakaramdam sila pananakit ng katawan pero kalaunan ay naging maayos na ang kanilang pakiramdam.
Wala rin aniya silang naramdaman na ano mang allergic reactions.
Sa kabila nito, sinabi ni Tumala na ibayong pag-iingat pa rin ang kanilang ginagawa at sumusunod pa rin sila sa health protocols kapag lumalabas sila tulad ng pagsusuot ng face mask.