Ilang oil company, tutulong na rin sa pagpigil sa oil spill dahil sa lumubog na MT Terra Nova

Walang naging paglabag ang oil tanker na MT Terra Nova na lumubog sa karagatan ng Limay, Bataan.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), lumalabas na walang nakataas na Public Storm Warning Signal sa Bataan nang magpatuloy sila sa paglalayag.

Sa ngayon, naka-deploy na ang tatlong vessel para sa oil spill response operations upang mapigilan ang posibleng pagtagas ng 1.4 million litro ng karga nitong langis.


Tutulong na rin ang PCG Auxiliary, mga lokal na pamahalaan at ilang oil companies sa bansa, upang maagapan ang oil spill.

Tiniyak naman ng Coast Guard na naaayon sa National Oil Spill Contingency Plan ang gagawin nilang operasyon.

Kapag hindi napigilan ay malaki ang magiging epekto ng tumagas na langis sa marine environment at maging sa ekonomiya ng Bataan at mga karatig lugar.

Facebook Comments