Ilang online netizens na nambastos sa mga anak ni Sunshine Cruz, humingi na ng tawad

1270

Humingi na ng tawad ang ilang netizens online na nambastos sa tatlong anak ni Sunshine Cruz na sina Angelina, Samantha at Chesca.


Ilan sa netizens na ito ay sina John Kenneth Damaso Cruz, Niño Rey, at Thirdy Fajardo na nagpaabot na ng paumanhin at paliwanag sa abogado ni Sunshine na si Atty. Bonito Alentajan.

Sinabi ni Sunshine na nakausap na niya ang tatlo at inaayos na ni Atty. Bonito ang pakikipag-ugnayan sa mga ito.

Hindi naman sinabi ni Sunshine kung magsasampa siya ng kaso laban sa mga ito pero hindi aniya tama na ikumpara sa inumin, kotse, o anumang bagay ang mga babae lalung lalo na ang kaniyang mga anak.

Disente rin aniya ang damit na suot nila sa mga litrato kaya sana ma-educate ng mga magulang ang mga kabataang nambababoy sa kaniyang mga anak.

Nabatid na nasa legal na edad na ang panganay na anak ni sunshine na si Angelina habang pawang menor-de-edad pa ang dalawa.

Facebook Comments