Naging matagumpay ang ginawang plebisito para hatiin sa apat ang Barangay Muzon sa San Jose del Monte City sa Bulacan.
Sa datos ng Commision on Elections (COMELEC), sa 43,771 rehistradong botante sa nasabing barangay, 13,322 ang bumotong pabor sa paghati rito sa apat habang 969 lang ang bumoto ng NO.
Ikinatuwa naman ito ng mga residente ng Barangay Muzon gayundin nina San Jose del Monte City Congresswoman Florida Robes at San Jose del Monte City Mayor Arthur Robes dahil nangangahulugan ito na matitiyak na lahat ng residente ay maseserbisyuhan.
Ang Barangay Muzon kasi ay may populasyon na 127,506.
Ayon kay Mayor Robes, mas makakapag-concentrate na kasi ang mga opisyal ng barangay kapag mas maliit ang kanilang nasasakupan.
Sinabi naman ni Congw. Robes, maituturing itong isang hakbang tungo sa kaunlaran pagdating sa pagbibigay ng basic services sa mga residente.
Tiniyak din ni Congw. Robes na maabot ng kanyang mga programa ang mga bagong barangay na ito gaya ng livelihood programs at para sa pagpapabuti sa mental health ng mga kabataan.