Sa kabila ng ilang barangay na inisyuhan ng show cause order dahil sa iregularidad sa pamamahagi ng ayuda at cash assistance mula sa Manila LGU..
Kaliwa’t kanang tulong pa din ang isinasagawa ng ibang mga opisyal ng barangay at sangguniang kabataan sa lungsod ng Maynila.
Sa Brgy. 378, Zone 38, nagbahay-bahay mismo ang mga kagawad at tanod upang ibigay ang ayudang bigas, delata, pasta at sauce na nagmula sa Lokal na Pamahalaan ng Maynila.
Nag-ikot ang Sangguniang Kabataan ng Barangay 593 sa bawat pamilyang kanilang nasasakupan upang ipamahagi ang skinless longganisa, anim na piraso ng itlog at dalawang kilo ng bigas na saktong-sakto na pang-almusal.
Hindi naman nagpatalo ang Sangguniang Kabataan (SK) ng Barangay 202 kung saan namahagi sila ng isang ‘care package’ para sa mga bata sa barangay.
Naglalaman ito ng mga biscuit, gatas at face mask na malugod at masaya namang tinanggap ng mga kabataan.
Batid ng mga Barangay at SK officials ng tatlong barangay na nangangailangan ng tulong ngayon ang bawat residente dahil sa banta ng COVID-19 kaya’t hindi nila kailangan na itago, ibulsa ang pondo o unahin ang malapit sa kanila lalo na’t ibinoto sila para maglingkod sa publiko.