
Nakatakdang sampahan ng reklamo ni Interior Secretary Jonvic Remulla si Bureau of Fire Protection (BFP) Chief Fire Director Jesus Fernandez dahol umano sa malawakang korupsyon na kinasasangkutan nito.
Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Remulla na bukas ay sasampahan niya ng reklamong grave-misconduct at graft and corruption si Fernandez.
Bukod sa nasabing opisyal ng BFP, sasampahan rin niya ng reklamo ang nasa 50 inidibidwal na sangkot naman sa bid-rigging sa BFP mula noong taong 2021 hanggang 2025.
Paliwanag ni Remulla, lumalabas sa ginawa nilang imbestigasyon na talagang pinagkakitaan ng BFP ang mga negosyante sa pagkuha ng mga permit.
Aniya, ilan rin sa mga fire inspectors na kaniyang kakasuhan ay hina-harass ang mga may-ari ng negosyo kung saan sapilitan nila itong pinagbebentahan ng fire extinguishers.
Sinabi pa ng kalihim na nasa 40 reklamo ang natanggap ng DILG laban sa mga umano’y anomalya sa BFP at 21 dito ay kanila ng idinulog sa Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP) para sa kaukulang imbestigasyon.










