Ibinunyag ni Senator Risa Hontiveros na ilang opisyal ng Bureau of Immigration o BI ang kumukubra ng 50,000 pesos kapalit ng iligal na pagpapalabas sa bansa ng ilang Pilipino.
Tinukoy ni Hontiveros ang kwento ng trafficked Pinay na si “Alice”, nakalusot sila sa airport at iligal na ipinalabas patungong Syria sa tulong ng ilang Immigration officers.
Sa pagkakaalam ni “Alice”, ang kanyang recruiter na si “Ana” ay nagbabayad sa BI officers kaya siya ay nakalusot sa Immigration desk sa airport.
Pinangakuan umano si “Alice” na magtatrabaho sa Dubai, pero sa kanilang stop over sa Malaysia doon niya nalaman na sa Syria pala siya ipadadala kung saan siya dumanas ng pagmaltrato.
Binanggit ni Hontiveros na pinangakuan sila ng sweldo na $400, pero $200 lang ang natanggap nila at dumanas pa ng samu’t saring klase ng pag-abuso.
Kaugnay nito ay hiniling na ni Hontiveros sa BI ang pangalan ng mga Immigration officers na nag-stamp sa passport ni Alice na isang malinaw na paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act.
Sabi ni Hontiveros, bukod kay “Alice” ay mayroon pang dalawang trafficked women na sina “Belen” at “Carol” ang ihaharap nya sa pagdinig ng Senado.
Kinalampag din ni Hontiveros ang Department of Foreign Affairs at Department of Justice para maimbestigahan ang nasabing modus sa BI.