NABUKING ng mga awtoridad ang vote buying at selling para kay Makati Mayor Abi Binay makaraang masakot ang mahigit 60 katao sa Barangay Hall ng San Isidro.
Sa ulat ng National Capital Region Police Office (NCRPO), natyempuhan ang vote buying at selling alas-10:45 kamakalawa ng gabi sa Brgy. Hall ng San Isidro, sa 2246 Marconi St., Makati City.
Naaresto sa operasyon ang mga bumibili ng boto na sina Barangay Treasurer Karen May Matibag; Barangay Secretary Medlyn Joy Ong; Administration Officer Marie Antoinette Capistrano; Wenifredo Ong, Mario Louis Siriban, Adrian Chiapoco, John Brian C Matibag at Ma. Liberty Dacullo.
Dinakip din ng mga awtoridad ang 55 katao na tumatanggap ng pera para sa kanilang boto.
Una rito, nakatanggap ng impormasyo ang Regional Special Operations Unit (RSOU) hinggil sa talamak na vote buying sa lugar kaya’t agad na ikinasa ang operasyon.
Pagdating mga awtoridad sa lugar, natyempuhan ang mga inaresto sa aktong vote-buying at selling.
Nakumpiska sa operasyon ang 819 na piraso ng tig-P500 na umaabot sa P410,000.00, 19na assorted id’s; 10 units ng cell phone; talaan ng mga botante na may address at precinct no; at 2 kahon ng Ulat sa Bayan Leaflets ni Mayor Mar-Len Abigail Binay.
Agad na dinala ang mga inaresto at nakumpiskang ebidensya sa headquarters ng NCRPO.
Kapag napatunayan ay maaring madiskwalipika sa pagtakbo sa anumang posisyon si Mayor Abby maliban pa sa parusang pagkakakulong ng hanggang anim na taon.