Ibinulgar ni Senator Risa Hontiveros ang posibilidad na may mga opisyal ng gobyerno ang tumutulong sa mga iligal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) para makapagpatuloy sa kanilang operasyon dito sa bansa.
Aminado si Hontiveros na hanggang ngayon ay may ilan pa ring POGO ang nagpapatuloy sa kanilang operasyon at nagiging malikhain kung saan gumagawa sila ng paraan para magbago ng identity.
May mga nakarating aniya sa kanilang impormasyon na may mga kasabwat na government official ang mga POGO na nagpapayo sa kanila na baguhin ang kanilang porma sa Business Process Outsourcing (BPO) pero POGO pa rin ang operasyon.
Magkagayunman, walang ibinigay na pangalan sa kanyang tanggapan kung sinong mga opisyal ng pamahalaan ang nag-co-coach sa mga POGO.
Giit ni Hontiveros, magsilbi pa rin itong babala sa mga taga-gobyerno lalo na kung totoong tumutulong ang ilang opisyal sa mga POGO sa kabila ng total ban dito ng pangulo dahil tiyak na may kaakibat itong parusa.