Pinagre-resign ni House Senior Deputy Minority Leader Lito Atienza sa pwesto ang mga opisyal na responsable sa pagkawala ng suplay ng tubig sa Metro Manila at mga karatig probinsya.
Partikular na hinihingi ni Atienza ang resignation nina Metropolitan Waterworks and Sewerage System Administrator Reynaldo Velasco at Manila Water CEO Ferdinand Dela Cruz.
Ayon sa Kongresista, dapat itigil ng mga opisyal ang pagpapaliwanag gamit ang statistics dahil malinaw na palpak ang performance nila at hindi ito naiintindihan ng publiko.
Hindi rin aniya tama na nagkukulang sa suplay ng tubig ang bansa gayong mula sa 144 billion cubic meters ng tubig ay nasa 24 hanggang 25 billion cubic meters lang ang nagagamit.
Masyado na rin aniyang tumatagal ang deadline ng water concessionaires para sa pagtatayo ng treatment plant dahil noong 2008 pa ay nangako silang tatapusin ang pasilidad sa loob ng anim na taon at ngayon naman ay sa taong 2037 pa ito matatapos.