Siguradong mapakikinabangan ng husto ng mga estudyante ng EMBO Barangays na ngayon ay parte ng lungsod ng Taguig ang kasalukuyang innovative education program ng lokal na pamahalaan.
Ito ang naging pahayag ni JV Arcena na Assistant Secretary for Special Concerns and International Press Secretariat sa ilalim ng Office of the Press Secretary at dating Assistant Secretary for Global Media and Public Affairs sa ilalim ng Duterte administration.
Aniya, kumpara sa Makati City na nag-aalok ng scholarship sa top 10% lamang ng kanilang estudyante, sa Taguig City ay nag-aalok ng oportunidad sa lahat ng estudyante.
Sa kanyang column na Unorthodox ay tinuring ni Asec. Arcena na “Game Changer” ang alok na scholarship ng Taguig dahil hindi hadlang kung anuman ang kanilang academic achievements para makakuha ng scholarship.
Isa sa mga tinutukoy ni Asec. Arcena na programa ng Taguig ay ang alok na “flexible” scholarship kung saan nagbibigay ang lokal na pamahalaan ng financial assistance sa mga estudyante na mula sa halagang P15,000 hanggang P110,000 kada taon depende sa nais na scholarship hanggang sa kolehiyo.
Matatandaan na bumuwelta ang lokal na pamahalaan ng Taguig sa pamumuno ni Mayor Lani Cayetano dahil sa minamaliit ang kanilang kakayahan sa usapin ng edukasyon at pangkalusugan.
Giit ng Taguig LGU, malawak at tuloy-tuloy ang kanilang programa na magbebenipisyo sa mga estudyante, mga magulang, PWDs at mga senior citizen, bagay na sinang-ayunan ni Asec. Arcena.