Sinibak na sa pwesto ang apat na opisyal ng Philippine Coast Guard (PCG) at dalawang opisyal ng maritime industry authority (Marina) kasunod ng pagtaob ng tatlong motorbanca sa Iloilo at Guimaras.
Matatandaang nasa 31 ang namatay sa aksidente sa dagat.
Ayon kay Transportataion Sec. Arthur Tugade, kabilang sa mga tinanggal sa pwesto sina Commodore Perlita Cinco at Commodore Joe Luviz Mercurio na mga Coast Guard Station Commanders sa Iloilo at Guimaras.
Tinanggal din sa pwesto ang mga duty officers na nakatalaga noong nangyari ang insidente.
Bukod dito, inalis din sina Marina Western Visayas Director Rizal Victoria at ang Regional Franchising Officer ng ahensya.
Agad namang pinalitan ang mga inalis sa pwesto.
Paliwanag ng kalihim, tinanggal ang mga opisyal habang iniimbestigahan ang paglubog ng M/B Chi-Chi, Keziah at Jenny Vince.
Iginiit din ni Tugade na hindi niya pangungunahan ang pagsisiyasat na ginagawa ng PCG at Marina.
Aminado naman si PCG Commandant Admiral Elson Hermogino, maaaring makaapekto sa kanilang tauhan ang pag-aalis sa pwesto ng kanilang mga kabaro
Sinabi naman ni Marina Administrator Narciso Vingson, kakausapin nila ang mga operators ng pampasaherong bangka ukol sa ipatutupad na nagbabawal nang paggamit ng wooden hull.
Nilinaw din ng DOTR na kahit may nangyaring trahedya sa dagat, hindi nangangahulugang suspendido na ang mga biyahe.