Ilang opisyal ng PNP, nagreklamo sa balasahan sa kanilang hanay

Ang paglagay sa pwesto ng mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) ay para sa benepisyo ng buong organisasyon at hindi para sa benepisyo ng mga inilagay sa pwesto.

Ito ang binigyang diin ni PNP Chief Gen. Dionardo Carlos matapos na lumutang ang mga reklamo ng ilang mga senior official na naungusan umano ng mga mas bata sa kanila sa huling balasahan na ipinatupad ng PNP.

Ayon sa PNP chief, ang seniority ay isa lang sa mga factor na tinitignan sa promosyon.


Kasama rin aniya sa kinokonsidera sa promosyon ng mga opisyal ay ang kanilang merito, reputasyon, track record, background at karakter.

Ang lahat aniya ng mga ito ay pinag-aaralan ng Senior Officer Placement and Promotion Board na umaakyat sa Committee of 3 para aprubahan.

Dagdag pa ng PNP chief, ito ay parte ng nakagawiang sistema para matiyak na mailalagay sa pwesto ang mga karapat-dapat na tao.

Payo naman ng PNP chief sa mga nabigyan na pwesto na hindi komportable sa kanila, dapat ay mas galingan ang kanilang bagong trabaho bilang pandagdag sa kanilang kwalipikasyon para sa susunod na promosyon.

Facebook Comments