Ilang opisyales ng NCIP, pinagbibitiw sa puwesto ni NCIP Chairperson Capuyan

Sumama na rin ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) sa nanawagan ng internal cleansing sa kanilang hanay.

Sa isang press briefing, hinamon ni National Commission on Indigenous Peoples Chairperson Allen Capuyan ang mga opisyal at tauhan nito lalo na sa kanilang regional offices na maghain na ng kanilang voluntary resignation.

Ginawa ni Capuyan ang panawagan kasunod ng kaliwa’t kanang reklamo na kaniyang natatanggap hinggil sa aniya’y talamak na bentahan at pagbili ng bahagi ng ancestral domain sa iba’t ibang panig ng bansa.


Partikular na pinatungkulan ni Capuyan sa kaniyang panawagan ang mga opisyal at kawani ng NCIP na hindi na epektibo sa pagganap nila sa tungkulin sa bayan.

Aniya, maraming reklamo ng mga katutubo hinggil sa pangangamkam ng ancestral domain ang hindi inaaksyunan ng mga opisyal at kawani ng NCIP sa mga rehiyon na siyang nakadaragdag pa aniya sa problema.

Sa katunayan, nasa 22 na iba’t ibang kaso ang naisampa sa korte laban sa may 900 na NCIP personnel.

Kasunod nito, nanawagan din si Capuyan sa ilang miyembro ng secretariat ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC dahil sa kabiguan aniya nitong protektahan ang interes ng mga katutubo.

Sa pamamagitan aniya nito ay matutulungan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na linisin ang mga ahensya ng gobyerno na hindi na nakatutulong sa hangarin nitong makamit ang pag-unlad at pangmatagalang kapayapaan sa bansa.

Facebook Comments