ILANG ORDINANSA PARA SA KAAYUSAN SA BAYAMBANG, IPINATUPAD NGAYONG AGOSTO

Nagsimula nang umarangakada ang pagpapatupad ng ilang lokal na ordinansa sa Bayambang maging ang pag-iikot ng binuong Task Force Disiplina para sa layuning mapanatili ang kaayusan, kalinisan, at kaligtasan sa bayan.

Ilang malalaking signages ang nakapalibot sa paligid ng town proper bilang gabay sa publiko.

Simula Agosto, ipinagbabawal na ang paggamit ng plastic bags, pagmamaneho nang walang helmet, modified muffler, pagala-galang hayop sa pampublikong daan, regulasyon sa paggamit ng videoke mula 11 PM hanggang 4AM, Curfew sa mga menor de edad na umiiral mula 10PM hanggang 4AM, at truck ban simula 7AM hanggang 9AM at 3PM hanggang 7PM.

Mayroong karampatang multa ang bawat ordinansa depende sa bilang ng paglabag.

Binubuo ng mga personnel mula sa PNP, LTO, Highway Patrol Group at Philippine Army ang Task Force Disiplina na umiikot sa piling lugar sa bayan patungo sa town proper habang ilang empleyado naman mula sa munisipyo ang inatasang mag-isyu ng ticket sa mga lalabag.

Giit ng lokal na pamahalaan, layunin ng Task Force Disiplina ang pagtutok sa striktong pagpapatupad ng mga ordinansa dahil matagal na umanong umiiral ang mga ito ngunit nakakaligtaan pa rin sundin ng mga residente.

Inaasahan naman ng tanggapan na mas magiging maayos at ligtas ang kalakaran sa iba’t-ibang sektor sa bayan dahil sa pagpapairal sa disiplina ng publiko. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments