Naghahanda na ang San Lazaro Hospital sa posibleng pagsipa ng kaso ng COVID-19 matapos na ma-detect sa bansa ang bago at mas nakahahawang variant nito.
Ayon kay Dr. Rontgene Solante, Head ng Adult Infectious Diseases and Tropical Medicine Department ng ospital, noon pa man ay inaasahan na nilang tataas ang kaso pagkatapos ng holiday season.
At dahil sa COVID-19 UK variant, sinabi ni Solante na mas palalakasin nila ang kanilang infection control measure sakaling may pasyenteng pumasok sa kanilang pangangalaga.
Sa ngayon aniya, wala pang ebidensya na ang bagong variant ng COVID-19 ay nangangailangan ng ibang pamamaraan ng paggamot kumpara sa original strain.
Nabatid na nananatiling mababa sa 50% ang occupancy rate ng San Lazaro Hospital sa nakalipas na dalawang linggo matapos ang holidays.
Samantala, ayon sa World Health Organization (WHO), posibleng maging mas mahirap ang ikalawang taon ng COVID-19 pandemic dahil na rin sa katangian ng bagong Coronavirus variant.
Magdadalawang milyon na ang death toll ng COVID-19 sa buong mundo simula nang magsimula ang pandemya habang 91.5 million na ang tinamaan ng sakit.