Umaapela ngayon sa National Irrigation Authority ang ilang magsasaka dito sa Pangasinan dahil sa kakulangan ng tubig sa kanikanilang palayan. Nagrereklamo ang ilan sa may-ari ng sakahan dahil hindi sila naaabot ng patubig ng gobyerno na kailangang kailangan nila ngayon bunsod sa nararanasang dry-spell. Resulta tuloy ay bitak-bitak na sakahan at di lumalagong mga pananim na palay ang daing ng mga magsasaka sa eastern pangasinan.
Aabot na sa ngayon sa 55,000 hectares na sakahan ang apektado ng dry-spell na sakop ng Agno River irrigation system. Ayon sa NIA nakadagdag din sa pahirap ng patubig sa mga sakahan ang isinasagawang pagkukumpuni sa ilang kanal ng nasabing irrigation system at ang patubig na nagmumula sa San Roque Dam.
Nagpatawag naman ng pagpupulong ang NIA Regional Office 1 kasama ang Department of Agriculture at pamunuan ng San Roque Dam para sa mga hakbang na maaaring gawin upang matugunan ang hinaing ng mga magsasakang apektado ng kakulangan sa patubig. Isa na rito ang pagpamimigay ng ahensya ng gobyerno ng shallow tube wells sa mga apektadong magsasaka. Rekomendasyon naman ng Department of Agriculture na gumamit ng hybrid seeds ng palay ang mga magsasaka ngayon papalapit na ang dry season para sa mas magndang resulta ng anihan.
Pakiusap naman ng pamunuan ng NIA Region 1 sa ilang nagpapatubig na obserbahan ang tinakdang oras ng rotational schedule sa pagpapatubig at iwasang umabuso upang maiwasan na pareparehong mawalan ng supply ng irigasyon.
[image: Dry_soil.jpg]
Ilang palayan sa Pangasinan kulang sa patubig!
Facebook Comments