Nananatili pa rin ang maraming pamilya sa mga evacuation centers walong buwan matapos ang pagputok ng Bulkang Taal.
Ito ang lumabas sa budget hearing ng Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) sa Kamara matapos masita ni Batangas Rep. Theresa Collantes na marami pa ring pamilya ang hindi pa nakakabalik sa kanilang mga tahanan matapos ang volcanic eruption.
Paliwanag dito ni National Housing Authority (NHA) General Manager Marcelino Escalada Jr., mayroong inilaang 5,488 housing units ang NHA sa Laguna, Quezon at Batangas ngunit 551 na pamilya lamang ang pinili na lumipat dito.
Nasa 1,600 naman na internally displaced persons ang hanggang ngayon ay nasa mga evacuation centers.
Ayon naman kay DHSUD Sec. Eduardo del Rosario, inatasan na ng binuong Regional Task Force Shelter for Taal ang mga Local Government Units (LGUs) na isumite ang kanilang Housing Development Project upang mapondohan na ng Office of Civil Defense (OCD).
Ngunit sa ngayon ay iisang munisipalidad pa lamang umano ang nagsusumite ng kanilang plano.
Mula naman sa ₱77.060 billion na proposed budget ng DHSUD sa 2021, ₱3.683 billion lamang ang inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) na mas mababa sa ₱7.832 billion na budget ngayong taon.