Ilang pamilya ang inilikas ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Brooke’s Point, Palawan.
Ito’y matapos ang ilang araw na walang-tigil na pag-ulan sa munisipalidad.
Umabot sa 200 pamilya ang inilikas ng Philippine Coast Guard (PCG), Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), at Local Government Unit (LGU).
Nabatid na umabot na kasi sa abot-dibdib ang pagbaha sa Brooke’s Point, Palawan, noong ika-4 ng Enero 2023.
Nananatili ang mga pamilya sa mga evacuation center para makatanggap ng karagdagang tulong mula sa lokal na pamahalaan.
Bukod dito, mino-monitor din ng Municipal Health Office ang kalusugan ng bawat miyembro ng pamilya habang nakatutok ang lokal na pamahalaan sa kanilang kalagayan.
Sa kasalukuyan, nakaantabay pa rin ang ilang tauhan ng PCG para masiguro ang kaligtasan ng bawat residente ng Brooke’s Point.