Cauayan City, Isabela- Nakabalik na sa kanilang mga tahanan ang nasa higit 100 pamilya partikular ang ilang katutubong Agta sa coastal town ng Maconacon at Divilacan sa Isabela makaraang ilikas ng mga otoridad at dalhin sa evacuation center.
Sa panayam ng iFM Cauayan kay PDRRM Officer Retired Col. Jimmy Rivera, nagsagawa sila ng pre-emptive evacuation sa mga kabahayan malapit sa karagatan upang maiwasan na tamaan ang mga ito ng malaking hampas ng alon.
Aniya, umabot sa 94 na pamilya o katumbas ng 249 na indibidwal ang inilikas mula sa mas mataas na lugar sa bayan ng Maconacon habang 13 na pamilya o katumbas naman ng 50 indibidwal mula sa Divilacan.
Una nang inilikas ang ilang taong kabilang sa vulnerable sector gaya ng mga senior citizen, PWDs, mga buntis at mga bata.
Wala namang naiulat na casualties sa mga lugar na unang isinailalim sa signal no. 2 gaya sa mga coastal town ng Isabela.
Samantala, mahigpit pa rin ang pagbabawal sa pagpalaot sa karagatan upang maiwasan naman ang peligro.