Tinatayang nasa 30 pamilya na nakatira sa Estero de Magdalena sa bahagi ng Binondo, Maynila ang kasalukuyang maglilipat-bahay ngayong araw.
Sila ay ire-relocate o lilipat na sa Trese Martires, Cavite.
Kaugnay nito, tinutulungan ang mga naturang residente ng Department of Engineering at Department of Social Welfare ng Manila City Local Government Unit (LGU), gayundin ng National Housing Authority o NHA.
May mga truck din ang lokal na pamahalaan ng Maynila, kung saan ikinakarga ang mga gamit ng mga pamilyang ire-relocate sa Cavite.
Ang mga bus naman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang siyang maghahatid sa bawat pamilya kung saan bukod dito, may mga food box at iba pa na ibinigay sa mga maglilipat-bahay.
Nagpasalamat naman ang mga pamilya sa tulong at pabahay na inialok sa kanila.
Matatandaan na noong Mayo naging laman ng balita ang Estero de Magdalena makaraang may masawing dalawang residente dahil sa pagbagsak ng isang puno ng balete.
Bunsod nito ay agad na nagplano at inaayos ang relokasyon para sa mga nakatira doon.