Ilang pampasaherong jeep sa lungsod ng Maynila na pinayagan ng LTFRB, hindi pa rin bumibiyahe

Ilang pampasaherong jeep ang hindi pa rin bumibiyahe sa ilang bahagi ng lungsod ng Maynila.

Ito ay kahit pa pinayagan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na bumiyahe sila sa mga itinalagang ruta.

Nabatid na wala pa rin bumibiyahe na tradisyunal na jeep sa may Recto Avenue, Rizal Avenue, Jose Abad Santos Avenue, bahagi ng Divisoria at Tondo, Maynila.


Ayon naman sa Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), ilan sa mga tsuper ay inaayos pa ang kanilang mga sasakyan para maging road worthy at makasunod sa health protocols.

Inaasahan naman na bukas, araw ng Lunes, magsisimula nang bumiyahe ang ilang tradisyunal na jeep sa ilang bahagi ng lungsod ng Maynila kung saan ilang buwan din silang natengga.

Samantala, nasa 8,018 ang sumalang sa isinagawang rapid testing sa mga residente ng 31 barangay na isinailalim sa lockdown.

Sa datos na ibinahagi ng Manila Public Information Office, sa nasabing bilang 165 dito ang nagpositibo.

Ang 48-hours lockdown sa 31 barangay ay sinimulan ng alas-12:00 ng Sabado ng madaling araw nitong July 4 at magtatapos mamayang alas-11:59 ng gabi.

Facebook Comments