Higit 200 driver ng Public Utility Jeepney o PUJ ang patuloy na humihingi ng tulong sa Department of Transportation (DOTr) at sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB dahil wala pa ring natatanggap na ayuda simula ng ipinatupad ang Enhanced Community Quarantine o ECQ.
Matatandaan na sa ilalim ng ECQ, hindi na pinayagan pa na makabiyahe ang mga pampublikong sasakyan kaya’t nawalan ng pagkakakitaan ang mga tsuper.
Partikular na naapektuhan ay ang mga tsuper na may biyaheng Balic-Balic at Quiapo kung saan una silang nakatanggap ng tulong na P1, 000 sa Lokal na Pamahalaan ng Maynila at mga relief goods mula sa barangay.
Nabatid na karamihan sa kanila ay hindi nakasali o nakasama sa listahan ng mga beneficiaries ng Social Amelioration Program o SAP ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.
Dahil dito, nais nila na matulungan sana sila ng LTFRB at makasama sa mga programa nito para sa katulad nilang pampublikong tsuper.
Sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One-Act, ang mga kwalipikadong PUV drivers ay makakatanggap ng P5, 000 hanggang P8, 000 cash assistance depende sa minimum wage rate kada rehiyon pero hanggang ngayon ay wala pa din natatanggap ang mga nasabing tsuper ng jeep.