Ilang pang grupo, nagkilos-protesta sa Maynila kontra Balikatan Exercises

Isa pang kilos-protesta ang isinagawa sa Maynila kontra sa Balikatan Exercises ng Pilipinas at Amerika.

Ito ay sa pangunguna ng Liga ng mga Organisasyon ng Kababaihang Nagkakaisa (LORENA-NCR), Pangisda, Kilusan para sa Pambansang Demokrasya at iba pa.

Nagtangka sila na makalapit sa US Embassy sa Roxas Boulevard ngunit hindi nakaabot kaya’t nagmartsa na lamang sa tapat ng Plaza Ferguson.


Nag-ingat din umano sila dahil kaninang umaga ay may ilang kabataang raliyista na naaresto ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD).

Ipinanawagan ng grupo na ibasura ang EDCA o ang Enhanced Defense Cooperation Agreement ng Pilipinas at Amerika, lalo na ang kasunduan na pagkakaroon ng dagdag na dalawang EDCA sites.

Giit pa ng grupo, dapat din lumayas ang mga sundalong Amerikano na ang dala lamang daw ay giyera.

Makalipas ang 15 minuto, kusang umalis ang mga raliyista kung saan hanggang ngayon ay bantay-sarado ng mga pulis ang US Embassy.

Napinturahan na rin ang logo ng US Embassy na sinabuyan ng pintura ng naunang grupo ng mga raliyista.

Facebook Comments