
Inihayag ng House Committee on Ethics and Privileges na bukod kay suspended Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga ay marami pang ibang mga mambabatas ang may kinakaharap na ethics complaint ngayong 20th Congress.
Gayunpaman, tumanggi ang chairman ng komite na si 4Ps Party-list Rep. JC Abalos, na pangalanan ang iba pang kongresista na sinampahan ng reklamong ethics.
Paliwanag ni Abalos, batay sa parliamentary procedure at rules ng Committee on Ethics, lahat ng reklamo na kanilang natatanggap ay confidential o hindi maaring isapubliko.
Ayon kay Abalos, ang reklamo lang ni Barzaga ay tinalakay na sa plenary session ng Kamara na bukas sa publiko.
Tiniyak naman ni Abalos na tatalakayin ng ethics panel ang lahat ng mga nakasampang reklamo kung saan bibigyan ng pagkakataon ang mga respondent na kongresista na makapagpaliwanag.










