ILANG PANGASINENSE, AYAW DIN UMANO SA KORAPSYON KAHIT HINDI NAKISALI SA MGA RALLY

Hindi rin umano sang-ayon at galit sa korapsyon ang ilang Pangasinense kahit hindi umano nakisali ang mga ito sa mga rally na isinagawa sa iba’t-ibang bahagi ng bansa sa National Protest Day kahapon.
Isang mag-anak ang nadatnan ng IFM News Dagupan na nagsasalo-salo sa Tondaligan Beach ang nagsabi na hindi nangangahulugang pagsang-ayon ang katahimikan sa usaping korapsyon.

Ayon kay Roni, tubong Dagupan City, kahit nasa bahay man o kung saan kailangan mulat ang publiko sa mga kaganapan sa bansa at hindi magpapadala sa lantarang korapsyon na unti-unting nasisiwalat sa mga flood control projects.

Ilan din ang naniniwala na posibleng walang magagawa ang pagpoprotesta dahil naging bahagi na ng Sistema o kalakaran ang korapsyon saan mang ahensya.

Kasabay ng anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law kahapon, tumindig ang libo-libong Pilipino kontra korapsyon at hiling ang pananagot sa batas ng mga tiwaling sangkot dito.

Kaugnay nito, buo at hindi patitibag ang kumpiyansa ng mga Pangasinense na sa pamamagitan ng mga mapayapang rally sa lalawigan ay marinig sa wakas ang daing ng mga biktima mula sa anomalya at korapsyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments