ILANG PANGASINENSE, NAMATAANG NALILIGO SA LINGAYEN BEACH SA KABILA NG MASUNGIT NA PANAHON

Sa kabila ng masungit na panahon dulot ng Bagyong Ramil, ilang residente ng Pangasinan ang namataang naliligo sa Lingayen Beach kahapon, Oktubre 19.

Naranasan sa lalawigan ang may katamtamang lakas na pag-ulan at hangin matapos itaas ng DOST-PAGASA ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 sa probinsya.

Naglabas naman ng babala ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa mga mangingisda, lalo na sa may maliliit na bangka, na huwag munang pumalaot dahil sa banta ng malalaking alon at malakas na ulan.

Bagaman inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) si Bagyong Ramil ngayong Lunes, nananatiling nakataas ang gale warning sa mga baybaying dagat ng lalawigan.

Patuloy na nananawagan ang mga awtoridad sa publiko na umiwas muna sa pagpunta sa mga dalampasigan at maging mapagmatyag sa mga abisong inilalabas ng mga lokal na pamahalaan.

Facebook Comments