Cauayan City, Isabela- Hindi na madaanan ang ilang mga tulay at pangunahing lansangan sa Lalawigan ng Isabela dahil sa pag-apaw ng tubig sa ilog dulot ng pag-uulan.
Sa ibinahaging impormasyon ng Isabela Police Provincial Office (IPPO), batay sa monitoring ng mga kapulisan, hindi na maaring daanan ng anumang uri ng sasakyan ang Mozzozzin Sur Overflow Bridge na kumukonekta sa bayan ng Cabagan at Sta. Maria; Cansan Overflow Bridge na kumokonekta sa bayan ng Cabagan at Sto. Tomas; Alicaocao Overflow Bridge sa Lungsod ng Cauayan; Baculud Overflow Bridge, Cabisera 8 at Brgy. San Antonio Overflow Bridge sa Lungsod ng Ilagan; Gucab at Annafunan Overflow Bridge sa bayan ng Echague; Sto Domingo-Santiago Overflow Bridge sa bayan ng Quirino at Sinaoangan Norte Overflow Bridge sa bayan ng San Agustin.
Hindi na rin madaanan ang Aggasian-San Antonio Road at Circumferential Road Guinatan-Sta Barbara-Bagumbayan; Andarayan at Calinaoan municipal road sa bayan ng Delfin Albano.
Dagdag dito, nadadaanan pa rin naman ang mga pangunahing lansangan sa Lalawigan subalit ipinagbabawal muna sa mga light vehicles ang Divisoria Bridge sa Brgy Ballacayu sa bayan ng San Pablo at Tuguegarao City, Cagayan dahil pa rin sa mabilis na pagtaas ng tubig sa lugar.