Ilang panuntunan sa paglalayag tuwing may sama ng panahon, binago ng PCG

Binago ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kanilang polisiya ukol sa pinapayagang makapaglayag sa karagatan kapag may sama ng panahon.

Ayon kay Capt. Jomark Angue, Deputy Chief of Coast Guard staff for Maritime Safety Services ng PCC, sa ilalim ng inamyendahang polisiya, may ilang pasahero at cargo vessel na ang papayagan makapaglayag kahit may typhoon Signal Number 1.

Pero ito ay para lang sa mga dumadaan sa main supply na ruta at malapitang biyahe lang, depende rin aniya ito sa uri ng sasakyang pangdagat at laki nito.


Sa ilalim kasi ng dating patakaran ng PCG, kapag may Signal Number 1 na itinaas ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), awtomatikong bawal bumiyahe ang lahat ng uri ng sasakyang pandagat.

Aniya, ikinunsidera ng PCG ang epekto sa ekonomiya ng pagbabawal sa paglalayag ng mga barko tuwing may Signal Number 1.

May 39 na lugar ang ikinukunsiderang main supply routes sa Southern Tagalog; Western, Central at Eastern Visayas; at Northern at Eastern Mindanao.

Habang may 31 lugar naman ang may short distance voyages.

Dagdag pa ni Angue, ang dati nilang polisiya ay higit isang dekada na mula ng mabuo at nagsagawa rin sila ng pag-aaral bago ginawa ang amyenda.

Facebook Comments