Ilang Parte ng Isabela, Naramdaman din ang Lindol sa Ilocos Norte!

*ISABELA- *Nakaramdam din ng pagyanig ng lindol ang ilang parte ng Lalawigan ng Isabela matapos tumama ang magnitude 5.8 na lindol sa Pagudpud, Ilocos Norte ganap na 10:48 ng umaga kahapon, May 6, 2019.

Sa nakalap na impormasyon ng 98.5 RMN Cauayan, matapos na maramdaman ang pagyanig sa Kapitolyo ng Isabela ay agad na pinatunog ang kanilang sirena bilang hudyat ng pagkakaroon ng Lindol.

Dito ay isinagawa ang duck, cover and hold at agad na isinuot ang kanilang safety helmets.


Matapos ang pagyanig, agad na pinalabas at dinala sa evacuation area ang lahat ng mga empleyado at kliyente ng kapitolyo sa pangunguna ng mga safety officers ng pamahalaang Panlalawigan.

Ayon kay Retired Police Brigadier General Jimmy Rivera, ang Operations Head ng Public Safety Office, matapos mabilang ang lahat ng mga empleyado at bisita sa evacuation center ay agad na nagsagawa ng inspeksyon ang mga engineers ng Provincial Government upang suriin kung nasa maayos na kalayagan ang kapitolyo.

Kasunod nito, pinabalik din ang mga empleyado sa loob matapos matiyak na ligtas ang gusali ng Kapitolyo.

Wala namang naitalang nasugatan sa nasabing pagyanig.

Giit ni Retired P/BGen. Rivera, malaki ang kahalagahan ng kanilang isinasagawang Earthquake Drill upang mapaghandaan ang anumang sakuna gaya ng Lindol.

Facebook Comments