Cauayan City – Bigong makalabas sa probinsya ng Batanes ang nasa 118 na mga pasahero at turista matapos magkansela ng operasyon at flights sa paliparan sa lugar dahil sa banta ng bagyong Carina.
Sinabi ng Officer ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office na si Roldan Esdicul, sa ngayon ay pansamantalang mamamalagi ang mga turista at pasahero sa mga hotels na kanilang tinutuluyan.
Sa pinakahuling ulat, itinaas na sa Tropical Cyclone Wind Signal Number 2 ang lalawigan ng Batanes kayat mahigpit nilang binabantayan ang sitwasyon sa lugar.
Samantala, tinitiyak naman nila na anumang kailangang serbisyo ng mga turista at pasaherong na-stranded sa kanilang lugar ay kanilang maibibigay.
Siniguro rin nito na nananatiling sapat ang mga pangunahing pangangailangan ng mga residente sa lugar katulad ng pagkain, at produktong petrolyo na siyang kailangan upang mapanatili ang linya ng kuryente.