Pitong ospital sa Davao del Sur ang napinsala ng magnitude 6.9 na lindol, na tumama sa lugar noong araw ng Linggo.
Sa inilabas na ulat ng Department of Health o DOH, kabilang sa mga napinsalang pasilidad ay ang:
– Davao del Sur Provincial Hospital sa Digos City
– Malungon Rural Health Unit sa Saranggani
– RHU Bansalan sa Bansalan
– St. Benedict Hospital sa Matanao
– Gregorio Matas District Hospital sa Kiblawan
– Rudinas-Dalapo Medical Hospital sa Matanao
– Kiblawan Rural Health Unit sa Kiblawan
Ayon kay Health Under Secretary Myrna Cabotaje, may mga pasyente na mula sa Davao del Sur Provincial Hospital ang pansamantalang nananatili sa tent, habang wala pang clearance na inilalalabas na nagsasaad na ligtas na sa loob ng naturang ospital.
Dagdag ni Cabotaje na tuloy-tuloy ang pakikipag-ugnayan ng DOH sa mga regional office nila upang malaman kung may iba pang health facilities na apektado ng malakas na lindol.
Sa katunayan ay nagsasagawa ng assessment ang mga engineer ng Health Facilities Enhancement Program, upang mabatid ang mga napinsalang ospital o pasilidad, at agad na makagawa ng aksyon lalo at prayoridad ng DOH na hindi maapektuhan ang serbisyo lalo na sa mga pasyente.