Ilang pasyalan sa CAR at Ilocos Region, sarado pa rin sa publiko dahil sa pinsala ng lindol

Nananatiling sarado sa publiko ang ilang tourist destination sa Cordillera Administrative Region (CAR) at Ilocos Region dahil sa pinsalang dulot ng magnitude 7 na lindol noong Miyerkules.

Ayon sa Department of Tourism (DOT), ang lahat ng aktibidad ng turismo sa lalawigan ng Abra ay suspendido at wala pang katiyakan kung kailan ito bubuksan sa publiko.

Bukod dito, sarado pa rin sa publiko ang ilang tourist sites sa Region 1, partikular ang:
• Bantay Bell Tower
• Bantay Church/Saint Augustine of Hippo Parish Church
• Archdiocesan Shrine of Nuestra Señora de Caridad de Bantay sa Bantay
• Sta. Maria Church sa Sta. Maria
• St. Paul Cathedral
• Heritage Village
• Calle Crisologo
• Ilocos Sur Regional Complex National Museum
• Syquia Mansion
• at lahat ng iba pang tourist spot sa Vigan City


Habang nananatili ring sarado ang Tangadan Falls sa San Gabriel; Great Wall of Santol o Bilagan Road sa La Union; Cave Connection, Sumaguing, Balangagan, at Pongas Falls sa Mountain Province, maliban sa Sagada na binuksan na sa publiko noong Hulyo 28.

Samantala, bukas na ang lahat ng tourist sites sa Ilocos Norte sa kabila ng naiulat na pinsala na dulot ng lindol.

Pinayuhan naman ng Department of Tourism (DOT) ang mga turista na may balak magtungo sa mga lugar na tinamaan ng malakas na lindol na magdoble-ingat sa mga posibleng aftershock.

Facebook Comments