Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na may mga nakitang positibong resulta sa ilang COVID patient na nabigyan ng gamot na Remdesivir.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, batay sa mga feedback na ipinarating sa kanila mula sa ginagawang clinical trial ay nabawasan ang panahon o araw ng confinement ng COVID patient na naka-admit sa critical care.
Sa kabila nito, nilinaw ni Vergeire na bagama’t may mga positibong resulta na nakikita sa mga pasyenteng nabigyan ng Remdesivir ay hindi pa ito pinal hanggang hindi nakukumpleto ang trial.
Ang Remdesivir ay gamot na ginawa para sa Ebola virus pero nakitang epektibo sa COVID-19.
Maliban sa Remdesivir, ilan pa sa mga gamot na kabilang sa solidarity trial ng World Health Organization (WHO) ay ang anti-malarial drug na Hydroxychloroquine, at anti-retroviral drugs na Lopinavir at Ritonavir.
Samantala, aminado naman si Dr. Kim Co ng University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH) Department of Epidemiology and Biostatistics na ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa mga probinsya ay bunga ng pagdagsa sa mga lalawigan ng mga naipit sa lockdown sa Luzon at ang pagdating ng repatriated Overseas Filipino Workers (OFWs).
Sinabi naman si Prof. Buenalyn Mortel ng UP-PGH DOH-Promotion and Education na ang mga lugar kung saan ang Local Government Units (LGUs) ay puspusan ang pakikipag-ugnayan sa Department of Health (DOH) at Local Disaster Risk Reduction and Management Council (DRRMC) ang siyang may pinakamaliit na kaso ng COVID-19.
Tiniyak naman ni Dr. Vicente Belizario Jr. ng UP College of Public Health na patuloy ang kanilang pakikipagtulungan sa iba’t ibang eksperto para mapalawak ang kaalaman ng publiko hinggil sa public health.