
Hindi kumain sa loob ng 12 oras ang ilang ‘persons deprived of liberty’ (PDL) sa Negros Occidental District Jail bilang protesta sa hindi makataong pagtrato sa mga ito sa ilalim ng administrasyon ni Jail Chief Inspector Crisyrel Awe.
Habang nagsasagawa ng hunger strike ang mga bilanggo, nagtipon naman sa labas ng jail facility ang pamilya ng mga ito, bitbit ang placards bilang suporta sa kanilang mga kamag-anak sa loob ng bilangguan.
Ayon kay Felipe Gelle ng Human Rights Advocates Negros, kasama sa mga hinaing ng mga PDL ang ang jail facility condition, tubig, ilaw, pagsilbi ng panis na kanin sa kanila, at strip and body cavity search sa mga bisita.
Si Awe ang temporaryo nang inilipat noon ng assignment matapos magsagawa rin ng protesta ang mga PDL noon laban sa kaniyang pinaiiral na polisiya sa loob ng bilangguan.
Ayon naman kay Bureau of Jail Management and Penology – Negros Island Region (BJMP-NIR) Spokesperson Senior Inspector Atty. Juniven Umadhay, hindi kinansela ang mga pribilehiyo ng mga PDL pero mayroong pagpapasiguro na hindi makapapasok sa jail facility ang ilegal na droga, cellphone, at iba pang kontrabando.
Bukas naman ang BJMP sa iba pang reklamo o concern ng mga PDL at ng kanilang mga pamilya.









