Ilang personalidad na kasama sa senatorial slate, inilabas ng PDP-Laban

Manila, Philippines – Inilabas na ni Senate President Koko Pimentel ang anim na mga personalidad na ikinokonsiderang pambato ng PDP-Laban sa 2019 Senatorial elections.

Pangunahin dito si Pimentel na siya ring Pangulo ng partido at sina Congressmen Albee Benitez, Geraldine Roman, Karlo Nograles, Rodolfo Farinas at dating Metro Manila Development Authority Chairman Francis Tolentino.

Ayon kay Pimentel, matagal na rin nilang iniimbita si Senator JV Ejercito na makasama sa kanilang senatorial slate pero wala pa itong desisyon.


Sabi ni Pimentel, sisikapin muna nilang kumpletuhin ang 12 kandidato sa pagkasenador at kung wala na silang makuha mula sa loob ng partido ay saka sila kukuha sa labas o kaya naman ay makikipag-coalition sa ibang partido.

Idinagdag pa ni Pimentel na ayaw ni Pangulong Rodrigo Duterte na magkaroon sila ng kandidato mula sa kanyang Gabinete dahil ayaw niyang magamit ng mga ito ang kanilang posisyon sa susunod na election.

Nais din ni Pimentel na si House Speaker Pantaleon Alvarez ang maging national campaign manager ng partido.

Facebook Comments