Lumabas sa findings ng task force na nag-iimbestiga sa mga iregularidad sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na mayroong kapabayaan o negligence ang ilang opisyal sa paghawak ng pondo ng ahensya.
Ito ang inihayag ng Malacañang kasabay ng paglalabas sa summary ng findings ng imbestigasyon ng Task Force PhilHealth na pinamumunuan ng Department of Justice (DOJ).
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang mga tao na siyang nagtatakda ng polisiya at patakaran para sa pangangasiwa ng PhilHealth ay hindi nakitaan ‘due diligence’ sa kanilang tungkulin, partikular sa disbursement ng National Health Insurance Fund.
Sinabi ni Roque na hindi maayos na ipinatupad ang Interim Reimbursement Mechanism (IRM).
Sinasabi rin sa report na dawit ang mga miyembro ng PhilHealth executive committee sa pagtatago ng impormasyon o dokumento para sa Board approval sa ICT procurement.
Nagpatutupad din ang PhilHealth management ng mga kwestyunableng polisiya.
Ito ang mga pinagbasehan ng task force para irekomenda nila ang pagsasampa ng kasong administratibo at kriminal sa ilang opisyal ng PhilHealth kabilang si dating President and CEO Ricardo Morales.