Ilang Pilipino sa Shanghai, China, nais bumalik ng Pilipinas

Mayroon nang mangilan-ngilang Overseas Filipino Workers (OFWs) mula sa Shanghai, China ang nais mapasailalim sa repatriation efforts ng pamahalaan.

Ito ay sa gitna ng patuloy na pagsirit ng kaso doon ng COVID-19.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Philippine Consul General in Shanghai Josel Ignacio, wala man silang espesipikong numero pero mayroon nang nagpaabot sa kanila ng intensyon na umuwi ng Pilipinas pero hindi pa ito ganoon kadami sa ngayon.


Ani ConGen Ignacio, nakikipag-ugnayan na sila ngayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) para sa posibleng ikasang repatriation.

Pero paliwanag nito, sa ngayon ay tila mahirap isagawa ang repatriation dahil napakahigpit ng lockdown sa Shanghai kung saan kahit gumagana ang airport ay wala namang public transport at limitado lamang ang access sa paliparan.

Sarado rin aniya ang immigration office maging ang entry o exit bureau ay sarado rin.

Sa pinakahuling tala, 18 Pinoy ang tinamaan ng COVID-19 sa Shanghai at lima rito ay na-discharge na sa ospital.

Facebook Comments