May ilang Pilipino ang hindi pa rin nakakapasok ng Egypt matapos mailikas mula sa Khartoum, Sudan.
Sa press briefing sa Malakanyang sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary for Migrant Workers Eduardo de Vega na ngayon ay nasa Egypt border pa lamang ang mga ito.
Ang problema aniya ay wala silang mga dokumento dahil naiwan sa mga amo, ang iba ay expired ang passport, habang mayroon ding iba na tumakas sa mga amo.
Nagiging mahigpit aniya ang Egypt at hindi makapapasok doon ang mga banyaga nang walang kaukulang dokumento.
Sinabi ni De Vega mayroong 414 Pinoy ang dumating sa Egypt border pero 51 pa lamang ang pinapasok na ngayon ay tumutuloy sa Aswan, Egypt.
Sa ngayon mayroon ng team na pumunta sa border para tumulong na mag-ayos ng mga dokumento ng mga Pilipino roon.
Aminado naman si De vega na dahil disyerto ang border kaya sadyang hirap para sa pagbibigay ng pagkain at iba pang pangangailangan.