Target ng Department of Agriculture (DA) na may masampulan na sa mga indibidwal na karaniwang nasasangkot sa agricultural smuggling.
Ito ang tiniyak ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., sa mga mambabatas sa gitna ng kanyang confirmation hearing sa komite ng Commission on Appointments.
Tinanong ni Senator Grace Poe si Tiu Laurel kung may nasabi o naibahagi na ba sa kanya ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., ang mga ‘usual suspects’ na sabit sa agricultural smuggling at ang tugon ng kalihim ay may mangilan-ngilan nang pinangalanan ang pangulo sa kanya.
Ayon kay Tiu Laurel, mayroon siyang bagong intelligence at enforcement unit na patuloy na nagbeberipika sa lahat ng impormasyon at mga ebidensya at sa unang quarter ng 2024 ay mayroon na silang maaaksyunan dito.
Tiniyak din ng kalihim na sasampahan ng kaso ng DA ang mga indibidwal na sangkot sa agricultural smuggling.
Sinabi naman ni Poe na kung may isa o dalawang makasuhan ng agricultural smuggling ay siguradong hihina ang loob ng ibang smugglers at tanging ang pagpaparusa sa mga ito ang hinihintay para tuluyang magkangipin ang batas na Anti-Agricultural Smuggling Act.