Inupakan ni dating PNP-CIDG Chief Benjamin Magalong sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado sa ‘ninja cops’ controversy ang mabilisang pagbabasura ng ilang piskal sa drug cases na isinasampa ng pulisya.
Inihalimbawa ni Magalong ang isang kaso na may kinalaman sa iligal na droga sa Baguio City kung saan siya alkalde.
Aniya, bukod sa pagbasura sa kaso ay nakapagtataka na ang media pa ang unang nabigyan ng kopya ng resolusyon bago ang prosekusyon na siyang partido sa kaso.
Inungkat naman ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon ang kasong isinampa laban kay dating CIDG Chief Bienvenido Reydado na dawit sa dalawang controversial na drug raids.
Ayon kay PNP Drug Enforcement Group Director Albert Ferro, isinampa nila ang kaso noong 2014 at nabasura ito noong 2018.
Nilinaw naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra na nadismiss ang kaso dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Naging mainit din ang pag-ungkat ngayon sa isyu ng demotion sa ninja cops sa halip na dismissal o pagsibak sa serbisyo kaugnay ng kanilang pagkakasangkot sa recycling ng shabu.