Inilatag ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda ang mga nais niyang mabanggit ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA).
Sa July 24 nakatakda ang ikalawang SONA ni Pangulong Marcos na siya ring pagbubukas ng ikalawang regular session ng 19th Congress.
Ayon kay Legarda, nais niyang marinig sa pangulo kung ano ang mga plano nito para mapabilis ang paglikha ng trabaho para sa pagpapalakas ng ekonomiya.
Isa pa sa nais niyang mabanggit ni PBBM sa SONA ay kung ano ang mga hakbang para mabawasan kung hindi man tuluyang masawata ang agricultural smuggling at masugpo ang mga kartel na nagpapabagsak sa kabuhayan at nagpapataas sa presyo ng mga bilihin.
Dagdag pa sa nais ng senadora na mabanggit din ni Pangulong Marcos sa kanyang SONA ay ang malinaw na roadmap para sa tuluy-tuloy na pandemic recovery hindi lamang sa health sector kundi maging sa food at energy security at livelihood creation.
Inaasahan din ni Legarda na may idedeklara ring plano ang pangulo para sa mga guro, nurses, at mga manggagawa.