Ilang POGO, umaalis na sa Pilipinas dahil sa paghihigpit ng China ayon sa DOF

Hindi na tinutuloy ng ilang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ang kanilang pagnenegosyo sa Pilipinas dahil sa kawalan ng pagkakakitaan.

Ito ay sa gitna ng mahigpit na crackdown ng China laban sa gambling.

Sa pagdinig ng Senate Finance Committee hinggil sa proposed 2021 budget ng Department of Finance, sinabi ni Secretary Carlos Dominguez na may ilang POGO ang kinakansela na ang kanilang lease contracts sa ilang local building owners.


“We are, at the moment, making that estimate. But let me just point out, your honor, that last night, I got a call from one of the owners of a building in Makati, who’s saying that his POGO and service provider clients have started cancelling their lease contracts for lack of business,” ani Dominguez sa pagdinig ng Senado.

Dagdag ni Dominguez, iniipit ng Chinese Government ang money transfers at kinakansela ang pasaporte ng sinumang nagtatrabaho sa POGO industry.

Sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One o Bayanihan 2 Act, humuhugot din ang pamahalaan ng pondo para sa COVID-19 response mula sa franchise tax na kinokolekta mula sa POGO.

Ang franchise tax ay limang porsyento ng gross bets o turnovers na natatanggap ng mga POGO o ng pre-determined minimum monthly revenues mula sa kanilang operasyon.

Nabatid na kinuwestyon ang operasyon ng ilang POGO dahil sa paglabag sa ilang batas ng Pilipinas kabilang ang tax evasion at pagtakas sa immigration at labor regulations.

Facebook Comments