Magkakaiba ang pananaw ng ilang political expert sa magiging epekto at pagbabago sa Pilipinas nang nagpapatuloy na US presidential elections.
Sa interview ng RMN Manila kay UP Professor at Executive Director of Center for Political and Democratic Reform, Inc. Clarita Carlos, binigyan diin nito na ang administrasyon lang ni US President Donald Trump ang tanging sumuporta sa claims ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ayon kay Carlos, nangangamba siya na sakaling si Joe Biden ang manalo ay mawalan ng kaalyansa ang bansa sa mga pinag-aagawang teritoryo lalo na’t kaalyado nito sa Democrats si dating US President Barack Obama na malambot sa China.
Pero iba naman ang pananaw dito ng political expert na si Prof. Victor Andres Manhit ng Phil. Stratbase.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Manhit na batay sa kanilang pag-aaral, simula noong 2016 matapos manalo ng Pilipinas laban sa China sa claims nito sa West Philippine Sea ay dumami ang mga mambabatas sa Amerika na sumusuporta sa bansa kung saan kabilang na rito ang partido ni Biden.
Sa kabila nito, patuloy na inaabangan ng mga eskperto kung sino ang mananalong pangulo ng Amerika at ang posibleng maging epekto ng liderato nito sa Pilipinas.