Ilang politiko, nagtangkang magpasok ng insertions sa 2026 National Budget

Inamin ni Senator Sherwin Gatchalian na may ilang mga politiko ang nagtangka pang magpahabol ng insertion ng mga proyekto o magpadagdag ng pondo sa gitna ng Bicameral Conference Committee ng 2026 National Budget.

Sinabi ni Gatchalian na habang bicam ay nakatanggap siya ng mga text message na humihirit para sa kanilang mga proyekto pero tumanggi naman ang senador na tukuyin o pangalanan kung sino ang mga ito.

Hindi naman niya pinagbigyan ang mga ito at sinabihan din silang hindi na pwedeng gawin ang mga dating nakasanayan na pagsisingit sa pambansang pondo.

Nilinaw naman ni Gatchalian na hindi mga flood control project ang mga hirit ng ilang politiko kundi mga lehitimong proyekto naman tulad ng pagpapalawak ng local college at mga school buildings.

Pinayuhan na lamang ni Gatchalian ang mga politiko na kung may proyekto ay kausapin na lamang ang ahensyang nakakasakop at dumaan sila sa tamang proseso.

Binigyang-diin pa ng mambabatas na kailangan nilang magpatupad ng paghihigpit sa national budget upang magkaroon ng kaayusan at disiplina ang lahat.

Facebook Comments