Pinangangambahang magsara ang ilang pribadong paaralan sa bansa oras na maisabatas ang Senate Bill 1359 na nagbabawal sa “No Permit, No Exam.”
Ayon kay Atty. Kristine Carmina Manaog, legal counsel ng Coordinating Council of Private Educational Associations of the Philippines o COCOPEA, nililimitahan ng panukalang batas ang kakayahan ng mga pribadong eskwelahan na maningil ng tuition at school fees na pinagkukunan din nila ng pondo para makapag-operate.
Posible rin nitong maapektuhan ang pagpapasahod sa mga guro.
“Ang unang tatamaan niyan ay ang ating small and med-sized schools. Kumbaga, ang labas sa kanila is ano yan e, monthly expenses nila and yung daily cost din na overhead expenses nila, dun sila umaasa. Included dun yung mga sweldo, benefits, utilities. If hindi po nila magampanan itong mga obligasyon na ito, possible rin pong magsara na lang ang mga private schools kasi wala silang pantustos sa kanilang bayaran. Kung magsasara, parehong teacher, employees and students ang maaapektuhan,” paliwanag ni Manaog.
Punto pa Manaog, pinapayagan naman sa mga private school ang promisory note kaya makakakuha pa rin ng exam at iba pang educational assessment ang mga estudyante kahit hindi pa nakakabayad ng matrikula.
“Ang ating private schools naman po ay laging inaalala yung circumstances ng ating mga parents and students. If hindi po makakabayad on time… madalas po nagpo-promisory note and then makakapag-take na siya ng exam, mapapagpatuloy niya talaga yung pag-aaral. It’s a case-to-case basis,” dagdag niya.
Kaugnay nito, umapela si Manaog sa Kongreso na pakinggan din ang panig ng private education sectors.
“We’re continuously appealing sa ating mga mambabatas na pakinggan din po ang ating private education sectors kasi tumutulong lang din naman po kami sa adhikain ng gobyerno na gawing mas accessible ang education sa mga Pilipino.”
Samantala, lusot na rin sa Kamara ang Senate Bill 1864 na layong magbigay ng moratorium sa mga college students sa pagbabayad ng financial obligations kung ang kanilang lugar ay sakop sa deklarasyon ng local o national state of calamity.