Iginiit ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na susi para matuldukan na ang insurgency sa bansa ang Amnesty Program na pinaplantsa ng gobyerno.
Ayon kay USec. Ernesto Torres Executive Director, National Secretariat, NTF-ELCAC, bagama’t kailangang-kailangan na, hindi nila minamadali ang amnesty program dahil dadaan pa ito sa comprehensive process.
Aniya, ang naturang amnesty initiative ng pangulo ay makatutulong sa patuloy nilang panawagan sa ilang mga rebelde at makakaliwang grupo na ibaba ang kanilang armas at magbalik loob na sa pamahalaan.
Sinabi naman ni Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Sec. Charlie Galvez Jr., na inaayos pa nila ang mga proclamation para sa amensty.
Kukunsulta muna sila sa Kongreso at Senado para sa mga probisyon at makikipag-tulungan sa National Amnesty Commission para naman sa Implementing Rules and Regulations (IRR).
Kapag nabuo na ang local amnesty board, sisimulan na nila ang pagtanggap ng aplikasyon para sa amnesty.