Ilang probisyon ng Anti-Terrorism Bill, labag sa Konstitusyon ayon sa IBP

“Pag-aralang mabuti at huwag madaliin ang pagsasa-batas ng Anti-Terrorism Bill”.

Ito ang payo ng Social Scientist at University of the Philippines Professor na si Dr. Clarita Carlos kay Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa kontrobersyal na panukalang batas.

Sa interview ng RMN Manila kay Prof. Carlos, binigyan diin nito na maraming butas ang Anti-Terrorism Bill na dapat munang ayusin bago lagdaan ng Pangulo.


Inihalimbawa nito ang malawak na definition of terms, lalo na ang kahulugan ng terorismo na dapat ay malinaw sa batas.

Ayon kay Carlos, kung ipipilit ito ng pamahalaan, magiging madugo ang paggawa ng Implementing Rules and Regulations ng Anti-Terrorism Bill.

Maging ang Integrated Bar of the Philippines ay naniniwala na dapat munang aralin mabuti ang Anti-Terrorism Bill.

Sa interview ng RMN Manila kay IBP President Atty. Domingo Cayosa, sinabi nito na may mga probisyon sa panukala na labag sa batas, tulad ng pagbuo ng Anti-Terrorism Council (ATC) kung saan maaalis ang papel ng Judiciary na magsagawa ng “checks and balances” na nakasaad sa konstitusyon.

Paniwala nina Cayosa at Carlos, ang mga panukalang batas na minadali ay malaki ang posibilidad na maabuso.

Facebook Comments