Walong inmate sa New Bilibid Prison (NBP) ang naghain ng petisyon sa Korte Suprema para kwestiyunin ang ilang probisyon sa ilalim ng nirebisang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.
Anila – mayroong “grave abuse of discretion” ang nirebisang IRR ng batas na nilagdaan noong September 16.
Sa ilalim kasi nito, hindi na makikinabang sa anumang uri ng time allowance ang mga recidivists, habitual delinquents, escapees at mga kinasuhan ng heinous crime.
Hiling nila, isama sa mga dapat makinabang sa GCTA ang mga persons deprived of liberty (PDL) na nakulong bago pa naipatupad ang R.A. 10592 noong 2013.
Anila, ang pagbabawal sa mga disqualified inmates na makinabang sa GCTA o Credit for Preventive Imprisonment (CPI) ay paglabag sa pantay na proteksyong nakasaad sa ilalim ng konstitusyon.
Hiniling din nila sa SC na utusan ang Bureau of Corrections (BuCor) at Bureau of Jail Penology (BJMP) na huwag gawing retroactive ang pagpapatupad ng batas.
Una nang sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na welcome sa kanila ang anumang petisyong kukwestiyon sa interpretasyon nito sa GCTA law.